Yung totoo, bakit natin ipinagdiriwang ang wikang Filipino?

Tuwing Agosto, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika. Siguradong nakahanda na ang mga estudyanteng lumahok sa iba’t ibang patimpalak sa kanilang paaralan. Nariyan ang poster making contest, sabayang pagbigkas, at balagtasan. Bukod sa sayang dulot ng mga patimpalak, alam ba talaga ng sambayanan kung bakit natin ginugunita ang pagdiriwang na ito?

Taong 2019 nang aprubahan ng Korte Suprema ang Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order 20, Series of 2013 (CMO 20) na tanggalin ang Filipino at pampanitikang asignatura mula sa pangkolehiyong kurikulum. Ang mga subjects ay inilipat sa Senior High School sapagkat ang mga ito ay may gampaning ihanda ang mga mag-aaral sa pagpasok sa kolehiyo. Maaaring ang Filipino at panitikan ay hindi swak sa layunin ng CHED, ngunit hindi maitatatwa na ang kawalan ng mga ito ay maaaring maging sangkap sa pagkamatay ng wika—o mas malala—ng kultura.

Ang pag-aaral ng Filipino ay hindi natatapos sa usaping gramatika, balarila, at pagbuo ng wastong pangungusap. Ito ay sumusukat din sa ating pagmamahal sa kultura at kasaysayan, maging sa nasyonalismo.

Marami ang namamangha kung ang isang indibidwal ay marunong sa paggamit ng wikang Ingles, lalo na sa paghahanap ng trabaho, pakikisalamuha sa mga dayuhan, at pagbabahagi ng impormasyon sa iba’t ibang lupalop ng daigdig. Gayunpaman, importante ring isaisip at timbangin ang pagpapahalaga at ang dalas sa wastong paggamit ng sariling wika.

Para mas madaling unawain ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, tingnan natin ang wikang Filipino bilang domino. Ang wika ang nagsisilbing ugnayan nating mga mamamayan. Kung “itutumba” natin ang wikang Filipino, sunod na tutumba ang paglalarawan sa napakaraming bagay, ang kredibilidad ng impormasyon, ang pag-unawa at pagkamulat, ang pakikipag-ugnayan sa kapwa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang damdaming makabayan, ang kultura at kasaysayan, at ang huli: pagkakakilanlan. Nakasandal sa tatag ng ating pagpapahalaga sa wika kung sino tayo at ano ang pagka-Filipino sa mundo.

Importanteng sa murang edad pa lang ay matuto na sa wastong paggamit ng wika: sa simpleng kumustahan man, pagsusulat ng espesyal na mensahe sa kaarawan ng kaibigan, o pagtatanghal gamit ang makabayang musika. Kalakip nito ang paghikayat na maging bahagi sa pagpapanatili, pagmamalaki, at pagdiriwang ng wikang pambansa, dahil … bakit hindi?

---

By Jonar Johnson

This section doesn’t currently include any content. Add content to this section using the sidebar.